Ipinaskil ni: diwa81 | Mayo 19, 2009

Ang Mito ng Kahirapan


Ang Mito ng Kahirapan

17 Mayo 09

“Kung apat lang ang mahirap sa Pilipinas, napakadali sanang sabihin na dahil ito sa katamaran…”

Katamaran, ito ang labis na simple at balighong paliwanag na laging ibinibigay para ipaliwanag ang kahirapan. Tamad kasi kaya naghihirap. Bunga ito ng burges na pag-iisip para bigyang-katwiran ang patuloy na lumalaking agwat ng mayaman at mahirap.

Sa pagtingin ko, nagmumula ito sa katulad na balighong ideya na, sa kabaliktaran, mayaman ang mga kapitalista, kasi masipag sila. Tunay nga, napakarami nating makikitang kwento na nagsasabi ng ganito. Kahit dito sa Pilipinas, halimbawa sina Lucio Tan o Manny Villar na sinasabing nagmula pa sa wala noong panahon. Totoo nga, pero dahil lamang ba sa pagsisikap nila, kaya sila yumaman? Sabi nga ni Villar, ST o sipag at tiyaga. Pero ang sagot ko dito ay mga tanong din: ilan ba ang mahirap noong panahong mahirap pa si Villar o Tan, at ilan sa kanila ang masipag o tamad, at ilan sa kanila ngayon ang mayaman na? Imposibleng sila lang ang masipag noong panahong iyon.

Hindi na kailangang ipaliwanag pa na kailangan mo ng sipag at tiyaga. Kung nakatunganga ka lang, siguradong wala kang mapapala. Pero ito mismo ang malaking patunay sa kabalintunaan ng argumentong ibinibigay laban sa paghihirap ng mga anakpawis sa Pilipinas. Sino ba ang nagsabing tamad ang mga manggagawang Pinoy? Ang pagpapasimple ng usapin sa usapin ng masipag at tamad, sa huling pagsusuri,  ay ang pagtatangka ng burgesya na pagtakpan ang tunay na dahilan at paliwanag sa paghihirap ng masang anakpawis, ang pagsasamantala.

Ang pagsasamantala sa ekonomya ay nangangahulugan ng paggamit ng paggawa ng isang tao nang walang bayad, sa pangkalahatan. Halimbawa sa manggagawa. Maaaring sabihin niyo na binabayaran naman ang mga manggagawa. Ito ang “salamangka” ng kapitalista na sisikapin nating ipaliwanag dito.

Ang Manggagawa

Karaniwan, pumapasok ng walong oras ang manggagawa sa kanilang pabrika. Ito ang itinatakdang tagal ng oras-paggawa. Noong una, sa pinakamalalang kaso, umabot pa ito sa 10-14 na oras. Ayon nga sa kasabihang Tsino, umaalis sila sa kanilang bahay nang may ningning pa ang mga bituin, at lalabas sila ng pabrika nila nang madilim na ulit ang kalangitan. Bunga ng paglaban ng mga manggagawa, napababa ito sa kasalukuyan. Pero sa mga panahon ng krisis, nababawasan pa ito, hindi para sa kabutihan ng manggagawa, kundi dahil sa pangangailangan ng kapitalista na magbawas ng produksyon dahil sa pagtambak ng di nabebentang kalakal. Noong una, sabay-sabay na pumapasok sa takdang walong oras na paggawa ang lahat ng manggagawa sa isang pabrika, pero karaniwang operasyon na ngayon ang pagpapatupad ng dalawa hanggang tatlong shift. Sa ganitong paraan natitiyak ang hanggang 24 oras na operasyon ng pabrika, lalo sa mas malalaking pabrika na gumagamit ng makabagong teknolohiya.

Sa loob ng walong oras na ito, lilikha siya ng mga produkto. Halos buong panahon siyang nasa linya ng produksyon, magpapahinga lamang para sa pagkain at tawag ng kalikasan. Pero ang lahat ng ito ay kalkulado at sukat ang oras, hindi pwedeng sumobra. Hindi rin pwedeng basta-basta huminto at magpahinga. Ayon nga sa kasabihan, kapag nagsimula nang gumulong ang konbeyor, kailangan nang sumabay dito ng manggagawa hanggang sa huminto ulit ito, kung hindi, masisira ang buong operasyon ng produksyon. Pagkatapos ng trabaho, matatanggap na niya ang kanyang sahod para sa araw.

Nasaan ang pagsasamantala?

Ito ang pinakamalaking ambag na ginawa nina Marx at Engels para sa kilusang manggagawa sa buong daigdig. Sinuri nina Marx ang isang napakaliit na bagay na ni hindi na napapansin ng mga tao, kahit ng tinaguriang “bantog” na mga ekonomistang Ingles. Sinimulan nila ang pagsusuri sa kalakal. At mula doon, parang bombang sumbabog ang buong lipunan at nalantad ang mga pwersang tahimik ngunit napakamakapangyarihang gumagana para bigyan ng hugis ang buong kapitalistang lipunan. Sa paghimay sa bawat hibla ng kalakal, nalantad ang pagsasamantala ng kapital sa paggawa, ng kapitalista sa manggagawa.

Gaya ng nabanggit kanina, ang ibig sabihin nito ay ginagamit ng kapitalista ang bahagi ng paggawa ng manggagawa nang walang bayad. Bahagi lamang dahil nakakatanggap ang manggagawa ng sahod na katumbas ng isa pang bahagi. Pero kung gaano kalaki ang huli ang naging batayan ng paghihirap ng manggagawa. Ang tumbasan ng una at huli ang tinawag nina Marx na tantos ng pagsasamantala.

Sa loob ng oras-paggawa, lilikha ng kalakal ang manggagawa. Ang kalakal na ito ay may halaga. Ngunit ang halagang ito ay tiyak na mas malaki na kaysa halaga ng lahat ng materyales bago dumaan sa proseso ng produksyon. Ang nadagdag na halagang ito ang tinatawag na labis na halaga, at wastong natukoy nina Marx ang pinanggalingan ng halagang ito. Ang lahat ng materyales na ginamit ay halos buung-buong nalilipat sa yaring produkto, kabilang na ang mga nasayang na bahagi. Pero hindi na ito nadadagdagan. Halimbawa ang bakal sa paglikha ng makina, hindi naman dumadami o lumalaki ito pagkatapos dumaan produksyon. Ang tanging naiiba lamang, ang ispesyal na sangkap ng kalakal, ang paggawang inilalapat dito, na taglay ng manggagawa.

Pero ang lahat ng halagang ito na nasa kalakal ay hindi na magiging pag-aari ng manggagawa kundi ng kapitalista. Ito ang isang “salamangka” ng kapitalista. Dahil lamang sa siya ang may-ari ng kapital na ginamit pambili ng mga materyal, kabilang na ang lakas-paggawa ng manggagawa, inaari din niya nang buung-buo ang yaring produkto. At ang paggawang inilapat ng manggagawa ay binabayaran lamang niya ng sahod ng manggagawa. Dito pumapasok ang pagsasamantala dahil ang halaga ng sahod ay katumbas lamang ng lakas-paggawa na kailangan ng manggagawa para magawa ang lahat ng produkto, at hindi talaga ang aktwal na halaga ng mga produkto. Sa madaling sabi, binabayaran lamang ang manggagawa ng katumbas ng kakailanganin niya para mabuhay at maulit ang parehong proseso sa susunod na araw-paggawa. Parang isang sasakyan, walang karapatan ang sasakyan mismo sa kung ano ang halagang malikha sa paggamit dito, halimbawa sa pamamasada. Ang tanging matatanggap lamang ng sasakyan ay ang kailangan nitong gasolina at paminsan-minsang pagkukumpuni para patuloy na makatakbo nang episyente.

Ang sahod ay katumbas lamang ng mga sumusunod: pagkain ng manggagawa at ng pamilya niya; bayad sa bahay na pinagtagni-tagni lang na yerong pinatungan ng gulong o bato at pira-pirasong kahoy, karton, plastik, atbp.; pampaaral sa mga anak. Ang iba pang pangangailangan tulad sa mga panahon ng kagipitan ay bahala na ang manggagawa kung paano mapag-iipunan. Maaaring sabihin na mabait naman pala ang kapitalista, pati pag-aaral ng mga anak at kabuhayan ng buong pamilya ay tinitiyak nila. Pero hindi ito anuman dulot ng kabaitan ng kapitalista kundi bahagi pa rin ng mga pangangailangan niya para sa paggawa na masasamantala. Hindi walang hanggan ang panahon na maiuukol ng manggagawa sa pagtatrabaho, at sa kalunus-lunos na kalagayan niya, tiyak na hindi ito magtatagal. Kailangang tiyakin ng kapitalista ang tuluy-tuloy na suplay ng manggagawa na pwedeng magtrabaho para sa kanya. Sa katunayan, kailangan niyang likhain sa lipunan ang kalagayan ng napakaraming tao na nakahandang magtrabaho para sa kanya bukod pa sa mga manggagawang kasalukuyan na niyang ineempleyo. Kaya tinitiyak niya rin na tatanda ang mga anak ng manggagawa bilang maaaring kagyat na kapalit nito kapag wala na itong silbi sa kapitalista.

Ang kabuuang halagang ito ay nagbabagu-bago, depende sa kalagayan ng lugar ng manggagawa. Kaya dito sa Pilipinas, dahil mas mura lang ang mga panustos ng buhay kumpara sa ibang mas maunlad na bansa, mas mababa rin ang sahod ng manggagawa. At di hamak na mas mababa ito sa totoong halaga na nalilikha nila. Kaya kung hindi napupunta sa manggagawa ang halagang nalikha niya, buung-buong aariin na ito ng kapitalista. Ang kapital na ipinasok niya sa gayon sa umpisa ay nadadagdagan ng paggawa ng manggagawa. Kapag tinipon ang lahat ng ito mula sa lahat ng manggagawa, sa bawat proseso ng produksyon, ito ngayon ang yaman na nakukuha ng mga kapitalista.

Ang pagsasamantala sa manggagawa ay nagdudulot ng yaman sa kapitalista, at sa kabaliktaran, nagdudulot naman ng paghihirap ng manggagawa. At kapag mas malaking pagsasamantala, mas malaking yaman sa kapitalista, mas malalang kahirapan sa manggagawa. Ganito ang pangkalahatang layunin ng kapitalista.

Kaya mas gustong pahabain ng kapitalista ang oras-paggawa, samakatwid, ang mahigit 10 oras paggawa at mga OT.  Kung hindi na kayang pahabain dulot ng batas, tiyakin na buong panahon na nasa produksyon ang manggagawa, samakatwid ang deoras pagpapahinga ng manggagawa maging ang pagpasok at paglabas ng pabrika. Bawat oras, minuto at segundo, nababawasan ng halaga ang mga makinaryang gamit ng kapitalista dahil absolutong naluluma na ito, o relatibong naluluma dahil may lumilitaw na mas bago, samakatwid, ang 24 oras na operasyon ng pabrika para malubos ang gamit ng mga makina. Ang epekto nito sa manggagawa, kailangan niyang magtrabaho kahit dis-oras ng gabi. Kaya kailangan mas mura ang sahod ng manggagawa, at para mas mura ang sahod, pupunta ang kapitalista sa mga lugar na mas mahirap ang tao, para mas madali nilang maipataw ang kakarampot na sahod, o tinitiyak na maraming walang trabaho ang nakahandang pumalit sa manggagawa para maging panakot laban sa mga kahilingan na taasan ang sahod. Ito rin ang tunay na dahilan kung bakit pumupunta ang mga kapitalista sa mahihirap na bansa tulad ng Pilipinas. Ang karaniwang operasyon na ng mga monopolyo kapitalista ngayon ay ang itayo ang mga pagawaang nangangailangan ng mas masaklaw na paggawa at mas maraming manggagawa, ngunit pinapanatili sa sariling bansa ang mga pagawaang gumagamit ng makabagong teknolohiya para mapangalagaan ang sekreto at kalamangan nila sa teknolohiya. Nahahanap ng mga kapitalistang ito ang ganitong lugar sa Amerika Latina, Asya, pangunahin sa Tsina at India, at Aprika.

Ano ang epekto nito sa manggagawa?

Sa pagpasok pa lang ng kapitalistang relasyon sa produksyon, napakalaki na ng epekto nito sa manggagawa. Una na, ito ang mismong nagpalitaw sa uring manggagawa. Pero ang pagpapalitaw na ito ay hindi matiwasay na iniluwal kundi dulot ng marahas at madugong pagluluwal sa uring manggagawa. Sa Europa halimbawa, naganap ito noong panahon ng Kilusang Pagbabakod sa England. Marahas, pwersahang pinalayas ang mga magsasaka sa kanilang mga lupa, maging sa lupang kinatitirikan ng kanilang bahay, para gawing pastulan ng tupa na kailangang-kailangan ng mga umusbong na industriya ng tela. Ito, kasama ng iba pang salik, ang nagluwal sa mga tao na walang ibang pag-aari, sa “pagkakalaya” nila sa lupa, at walang ibang paraan para mabuhay kundi ang ipagbenta ang mga sarili, at lakas-paggawa sa mga pabrikang naghintay sa kanila sa mga lunsod, kapalit ng mumong sahod.

Pangalawa, dahil sa ganid na pagnanais ng mga kapitalista sa mas malaking tubo, sadyang pinapababa ang katayuan ng mga manggagawa. Tuluy-tuloy na sumasahol ang kalagayan nila, bukod sa lalong dumadami ang bilang nila mismo. Laging pinapababa ang kanilang sahod, kundi man, ay hindi ito tumataas. O kung tumaas man, hindi ito nakakasabay sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Hanggat maaari, hindi ibinibigay ang nararapat na benepisyo nila, at mga kaseguruhan sa trabaho para maging ligtas ang kanilang pagawaan. Ang lahat ng ito ay ginagawa sa ngalan ng tubo.

Kaya sa buhay ng manggagawa, bukod sa wala na siyang ibang pag-aari, inaalisan na rin siya ng lahat ng posibilidad para makaalpas pa sa kalagayang ito. Ang tanging ibinibigay lamang sa kanya ay ang kailangan niya pantawid buhay. Sa pagtama ng sakuna sa kanyang buhay, kagyat siyang namamatay at wala nang pakialam ang lipunan sa kanya hanggat may iba pang katulad niya na pwedeng pumalit sa kanya. Kahit sa politika at kultura, inaalisan din siya ng karapatan at boses hanggat maaari, upang mawalan sila ng armas para ipaglaban ang pagbuti ng kanilang kalagayan. Dahil ang pagbuti ng kanilang kalagayan, kahit maliit na pag-angat lamang, ay mangangahulugan ng pagkabawas sa kita ng kapitalista. At sa prinsipyo ng kapitalista, sinisikap niyang mapiga ang kahuli-hulihang barya sa manggagawa para lamang matiyak ang maksimum na tubo. At parang sapal ng niyog, itinatapon na lamang ang huli kapag tuyot na at walang pakinabang.

Nasaan ang papel dito ng kasipagan? Wala. Wala, dahil hindi ito salik na nakakaapekto sa pagyaman o paghirap sa loob ng proseso ng produksyon. Ang papel lamang nito ay bago ang produksyon, kailangan ng sipag para maganap ang produksyon mismo. Pero sa kalagayan ng manggagawa, mas mauuna pa ang matinding pangangailangan, kaysa sipag, para lamang maunawaan niyang kailangan niyang magtrabaho. Kahit tamarin siya o may sakit pa nga, kailangan niyang pumasok sa paggawaan kung gusto pa niyang mabuhay sa araw na iyon. Sa panig pa nga ng kapitalista pumapasok ang katamaran. Masasabi masipag din ang mga kapitalista. Marami sa kanila ang talagang iniukol na ang buong panahon para mapalakas pa ang kanilang negosyo. Pero lumitaw na sa kasalukuyang yugto ang isang isang klase ng mga kapitalista, ang monopolyo kapitalista, na nasa pusisyon ng pangingibabaw na labis nang hiwalay sa produksyon kaya kahit ang pamamalakad sa kanilang mga negosyo ay ipinagkakatiwala na sa mga may-kakayahang taong inuupahan nila. Kung meron mang tamad, ito ang mga taong ito na wala nang papel sa proseso ng produksyon, kahit sa pangangasiwa man lang, pero labis-labis ang laki ng tubong kinikita at malayo sa pagiging mahirap.

Ano ang epekto ng kawalan ng trabaho?

Madalas kong makita ang tanong na ito sa mga napapadaan dito. Ganito ko na lang sasagutin: kung ang isang manggagawang may trabaho, lagi pa ring nasa bingit ng matinding kahirapan; lagi niyang kinakaharap ang posibilidad na mawalan na siya trabaho bukas; ano mang sakuna na tumama sa buhay niya, kahit ang pinakamaliit, halimbawa ang simpleng magkasipon ang anak niya, ay mangangahulugan na pagkabaon sa utang; at lagi siyang binabagabag ng pinakamalupit na maaari niyang maranasan, ang mamatay sa gutom. Ngayon, kung alisin mo ang trabaho niya, isipin niyo na lang kung ano ang mas malala pa sa mga nabanggit.

Sa mga bansang kapitalista, naging kakabit na ng pag-unlad ng kapitalismo, mula pa sa pinakaunang yugto ng pag-unlad nito, ang pagkapulubi at pagdami ng mga kriminal. Dahil sa dagsa ng libu-libong proletaryado na naghahanap ng ikabubuhay sa mga lunsod, totoo mang naghihintay sa kanila ang mga pabrika, ngunit para lamang sa limitadong bilang ng manggagawa. Kaya ang ibang hindi “pinalad” na makapasok ay kailangang maghanap ng ibang ikabubuhay sa lunsod. Tiyak na wala na silang mababalikang mga bukid. Kaya marami sa kanila ang nasasadlak sa pagkapulubi at napipilitang mamalimos para lamang mabuhay kahit sa pinakakalunus-lunos na kalagayan. Ang iba, sa ibang landas napapadpad, sa pagnanakaw, prostitusyon, panggagantso, at iba pang anti-sosyal na gawain.

Kung susuriin, mali ang tingin ng iba na pinakamalaking problema ang kapayapaan at kaayusan sa lipunan. Bunga lamang ito, isang resulta o “side-effect” ng isang mas malaking suliranin. Kaya nagiging mali rin ang pagharap sa mga problema ng lipunan. Kahit anong pagpapatupad sa batas at pagtatangkang sugpuin ang krimen, lagi lamang bumabalik ang “matinding” problema na kinakaharap ng mga otoridad. Dahil ang ginagamot lamang nila ay ang sintomas, ngunit bulag pa rin sa kanser na sanhi ng mga sintomas na ito.

Ang Magsasaka

Para naman sa isang bansang agrikultural tulad ng Pilipinas, ang pinakamalaking bahagi ng populasyon ay ang magsasaka. Katulad ng mga manggagawa, kalunus-lunos din ang kalagayan ng mahigit 75% ng uring ito. At katulad ng mga manggagawa, pagsasamantal rin ang dahilan nito, ngunit iba ang batayan. Ang pagsasamantala ay sa pagitan ng magsasaka at panginoong maylupa, sa pyudal na relasyon sa produksyon.

Marami sa mga magsasaka ang wala o kulang ang lupang sinasaka, karaniwang mas mababa lang sa 2 ektarya. Dahil dito, hindi sapat ang inaani nila. Marami sa kanila ang nakikisaka lang sa “lupa” ng isang panginoong maylupa. Bilang kapalit ng pagpapahintulot sa kanila na magsaka sa lupang ito, nagbabayad sila ng upa sa lupa. Kalakhan ngayon, sa pamamagitan na ito ng  bayad na salapi, may mangilan-ngilan sa anyong produkto, bihira na ang sa anyo ng paggawa. Ang karaniwang hatian sa anihan ay tersyo o dalawang-katlo ng ani ang ibinabayad sa panginoong maylupa, at sangkatlo lamang sa magsasaka. Mas malala pa, sa iba, nakatakda na ang taunang ibabayad ng huli. Kaya kahit magkaroon ng sakuna at masalanta ang tanim niya, obligado pa rin siyang magbayad ng takdang halaga.

Sa ganitong kalagayan, matinding pagsasamantala ng panginoong maylupa, dagdag ang pagsasamantala ng mga usurero at komersyante, kasama ng atrasado pa ring paraan at kasangkapan sa pagsasaka, kawalan ng tulong mula sa estado, at mga likas na sakuna tulad ng bagyo, malaking mayorya ng populasyon nito ang nabubuhay lang sa P30-50 bawat araw para sa isang pamilya.

*********************

Hindi tamad ang mga manggagawa at magsasaka na buong buhay nilang nagsisikap ngunit araw-araw na umuuwi sa kanilang tahanan para datnan ang hikahos na buhay ng pamilya nila na iniwan nila bago pumasok sa kanilang trabaho o pumunta sa bukid. At sa kabilang banda naman, hindi yumayaman ang mga kapitalista at panginoong maylupa dahil lamang masipag sila, kundi nabubuhay at nagkakamal sila ng yaman dahil sa kasipagan ng ibang tao.

Sa loob ng mahabang panahon, nanatiling “mahiwaga” ang bagay na ito. Naging lingid sa masang anakpawis ang tunay na dahilan ng kanilang paghihirap. Sa Europa noong una, inakala pa ng mga manggagawa na ang dahilan ng kanilang paghihirap ay ang mga makinang pumapalit sa marami sa kanila kaya natatanggal sa trabaho. Kung kaya ito ang pinagbalingan ng kanilang galit. Ito ang pinanggalingan ng pangalan ng isang sikat na banda sa US, ang Rage Against the Machine. Pero sa patuloy na paglahok nila sa produksyon, kahit ang mga nanatili sa trabaho ay hindi rin naman nakahulagpos sa karalitaan. Dito pumasok ang makasaysayang ambag nila Marx at Engels. Sa kauna-unahang pagkakataon, nabatid ng mga anakpawis ang sanhi ng libu-libong taon na nilang paghihirap. At higit pa roon, itinuro rin nila Marx ang landas at paraan para mabago ang kanilang kalagayan.

Maaaring sumang-ayon ka dito o ganap na sumalungat. Napakahirap na usapin nito, lalo na para sa akin na hindi pa ganoon kalalim ang kaalaman sa syensyang panlipunan, para maipaliwanag sa ilang pahina lamang ng sanaysay. Dahil totoong masalimuot ito sa aktwal. At ito ang pinakamalakas na argumento laban sa argumento ng katamaran sa una pa man. Napakasalimuot ng usapin para lamang maipaliwanag sa labis-labis na pagpapasimple ng bagay na ito sa katamaran at kasipagan. Ang lipunan ay binubuo ng mga pwersa, milyun-milyong pwersa, na araw-araw nagkakasalamuha sa produksyon at kalakalan. Ang mga bagay na araw-araw nating nakikita ang kadalasan pa nating hindi nakikita.

Ngayon, para sa mas mahalagang bahagi. Ayon nga sa isa sa paborito kong kasabihan, maraming dalubhasa ang nagtatangka kung paano ipapaliwanag ang mundo, pero ang mas mahalagang punto ay kung paano ito babaguhin. Kaya ang mas mahalagang tanong, ano ang solusyon?

Sa mga hindi naniniwala sa mga pinagsasabi ko, hindi ko na sasabihin sa inyo. Malamang naman, wala pang kalahati ng sanaysay na ito, nabagot na kayo para magpatuloy pa. Pero kung sakaling pinag-aksayahan niyo pa rin ng panahon ito, sasabihin ko na rin. At para sa mga nagtatanong, simple lang naman ang sagot: sumali sa www. solusyon.com

About these ads

Mga Tugon

  1. this site is really nice for a students…
    but wat i need to this site is not here <,< .but most topic are understandable =)
    ty for info =)

  2. MAGING MABUTI SA IBA

  3. ang puna bow!!!!!!!!!!!!

  4. akoy tutula mahabang mahaba akoy uupo tapos na po!!!!!!!!!!!!!

  5. nice

  6. Thanks for the informations. It helped me for the research paper :)


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

%d bloggers like this: