Ipinaskil ni: diwa81 | Marso 28, 2009

Iraq Noon, Afghanistan Ngayon


Iraq noon, Afghanistan ngayon
28 Marso 2009

Akala ko namamalik-mata lang ako. Kinuskos ko ang mata ko, baka inaantok lang ako at nagkakamali ng napapanood. Ipinikit ko ang mga mata ko, naririnig ko ang tinig ni Bush. Bumalik ba ako sa nakaraan? Idinilat ko ulit ang mga mata ko, mali, hindi si Bush ang nagsasalita, kundi isang black American na nakasuot ng     coat and tie. At siya na ang pangulo ng US, hindi si Bush.

Kagabi, umaga sa US, inilabas ni Obama ang “bagong” estratehiya para sa Afghanistan. Doon, ipinahayag niya ang balangkas ng kanilang plano para sa pagharap sa bagong larangan ng digma na haharapin nila matapos ang Iraq.

images

Matatandaan na pito’t kalahating taon na ang nakaraan, nilusob ng US ang Afghanistan, ang Taliban sa partikular, bilang pagganti sa ginawa umanong pag-atake ng Al Qaida ni bin Laden sa WTC na kumitil sa buhay ng libu-libong Amerikano. Matapos niyon, nasadlak na sa palala nang palalang digmaan ang naturang bansa.

Matapos ang kahiya-hiyang kabiguan ng US sa Iraq, lumilipat sila ngayon sa Afghanistan. Kaunti lang ang alam ko tungkol sa bansang ito, kaya mababaw lang ang pagsusuri ko dito kaugnay ng “bagong” estratehiya ni Obama.

afghaniistan

Ang alam ko lang sa naturang bansa, isa ito sa naging sentro ng labanan ng US at Rusya noong panahon ng Cold War, noong dekada 1970. Nilusob ito ng Rusya at sinuportahan naman ng US ang pagtatanggol ng mga Afghan. At isa nga sa mga taong naging instrumento nila dito ay si Obama, este, Osama bin Laden at ang Taliban. Natalo ang Rusya at naitatag ang gubyernong Taliban.

Makaraan ang tatlong dekada, ang parehong Taliban ngayon ang kalaban naman ng US. Pinagbintangan ng US sa ilalim ni Bush si bin Laden na nasa likod ng madugong pambobomba sa WTC noo 9/11. Ito ay sa kabila ng maraming ebidensyang lumabas ng pagkakasangkot ng gubyernong US mismo na siyang may salarin sa mga serye ng pag-atake sa iba’t ibang bahagi ng US, kabilang na ang Pentagon. Konspirasiya? Maaari ngang hindi pa napatunayan ang mga ebidensyang lumabas (nakakatawa na ang US mismo ang tumatangging maglabas ng tunay na mga nangyari noong araw na iyon). Pero ang isang hindi mapapasubaliang katotohanan ay hindi naman nila di mapapasubaliang napatunayan ang pag-mastermind umano ng Al Qaida sa naturang mga pag-atake.

Gamit ang napakahinang mga ebidensya laban sa grupo, sinugod ng US ang Afghanistan. At hanggang ngayon, nagpapatuloy ang maigting na pagtatanggol ng mamamayang Afghan laban sa Coalition Forces na pangunahing binubuo ng NATO.
Obama at ang pagbabagong hatid niya

Naisulat ko na dati ang malaking pagdududa sa mga retorika ni Obama na pagbabagong hatid niya sa US at sa buong mundo. Ilang buwan sa kanyang panunungkulan, nagiging malinaw na ngayon iyon, at lalo pang napapatunayan, una sa pagharap sa krisis na kinasadlakan ng institusyong pampinansya ng US, at ngayon, sa Afghanistan.

Nangampanya noon si Obama, pangunahing bitbit ang mariing pagkundena sa Gera sa Iraq. At malaki ang nahatak niyang boto mula dito. Dahil sukang-suka na ang mamamayan ng US noong panahong iyon kay Bush na masugid na nagsusulong sa gerang ito. Tumindi pa ang pagkamuhi ng mga tao sa administrasyong Bush nang, makaraan ang ilang taong pananakop sa Iraq sa bintang na pagtatago nito ng mga weapons of mass destruction o WMD, bigla nilang sinabi, “Joke lang!” Nalantad sa publiko ang malaking panloloko sa kanila ang gubyerno matapos silang kaladkarin sa isang madugong gera na kumitil ng daan-daang libong Iraqi at ilampung libong sundalong Amerikano, kumain ng mahigit $30 Bilyon kada buwan, at dumungis sa pangalan ng US dahil sa maruming rekord sa paglabag sa mga karapatang-tao ng mga PINAGHIHINALAANG terorista.

Sa kabuuan, hindi lamang ang gera sa Iraq ang kinamuhian ng mga tao, kundi ang mismong “gera laban sa terorismo” ni Bush. Nasentro lamang ang usapin sa Iraq, dahil dito nakatuon ang US at hinayaan ang Afghanistan sa Britain.

Ngayon, lumalabas si Obama, gamit ang mismong mga salita ng presidenteng pinuna niya noon.

Sa aspetong militar, ano nga ba ang pagbabagong dala ni Obama? WALA.

Kung susuriin ng mabuti, ang paglabas ni Obama sa Iraq sa pag-upo niya sa pwesto ay hindi resulta ng pagpalit niya kay Bush at isang bagong patakaran sa Middle East. Dahil kung matatandaan, maging si Bush ay nagpahayag na noon na lalabas na ang US sa Iraq. Hindi na lamang niya inabot ito nang matapos ang kanyang termino. Si Obama na lamang ang  nagpatupad nito. Ang tanging pagkakaiba lang sa plano ni Obama, ilang buwang pagitan sa itinakdang deadline ng paglabas. Pinaaga niya lang ng anim na buwan mula sa 2 taon na plano ni Bush tungo sa 18 buwan na itinakda niya. Wow, napakalaking pagbabago!

Pero ang nakakalungkot, niloko na nila ang mga mamamayan nila noon, niloloko na naman nila ngayon. Hindi binanggit ni Obama na lilipat lamang sila sa Afghanistan, sa madaling sabi, nagpapatuloy ang “gera ng terorismo.” Bakit nga naman niya sasabihin, samantalang hindi naman ito tinatanong ng mga tao. Masyadong nagalit ang mga tao sa malaking kabiguan sa Iraq, kaya hindi na nila napansin ang Afghanistan.

Ano nga ba ang bago sa plano?

Hindi pa ako pamilyar sa kabuuan ng plano, at gaya ng sabi ko sa simula, hindi ako pamilyar sa kalagayan ng Afghanistan. Pero sa isang pagtatangkang pagsusuri, sa esensya, walang bago sa plano. Katulad na katulad lang ito ng ginawa nila sa Iraq.

Ang isang binabanggit na bagong elemento sa estratehiya ay ang pangunahin umanong layunin ng tropa ng US ay ang sanayin lokal na militar at pulisya. Bago ito dahil, sa Iraq noon, hindi kaagad nila ito naisip; matapos lamang mapahiya sa buong mundo, lumobo ang kanilang gastos, at mamatayan ng ilang libong sundalo, saka nila naisipang ipasa sa mga Iraqi mismo ang tungkulin ng seguridad at kapayapaan.

Bago daw ito dahil ganito pa lang kaaga isasagawa na kaagad nila ito sa Afghanistan. Pero gaano pa nga ba ito kaaga ngayon? Kung titingnang mabuti, nauna pa nilang sinakop ang Afghanistan kaysa Iraq, at ang digmaan doon ay pito’t kalahating taon nang nagaganap. Hindi man ang US mismo ang nandoon, kundi NATO, pareho lang rin iyon. Pito’t’ kalahating taon na nilang tinutugis ang Taliban at iba pang grupong lumalaban sa kanila, pito’t kalahating taon nang nakapagtipon ulit, nakapagpalakas, nakapagsanay ng bagong tropa, pito’t kalahating taon nang nagpapadugo sa mga dayuhang mananakop.

Kaya kung tutuusin, mas huli pa nga nila itong isasagawa dito kaysa Iraq.

Isa pang binabanggit na bago ay ang paglalaan ng mas maraming tropa. Mas maraming tropang US siguro, pero matagal na ngang may tropang dayuhan doon na sumasakop sa bansa. Ang bago lang, o bumabalik lang, babalikatin na ulit ng US ang pangunahing tungkulin dito, dahil hindi na sila ngayon  abala sa Iraq.

Ilan lang ang masasabing bago talaga, pero hindi sa estratehiya ng US, kundi sa mismong katangian ng labanan sa Afghanistan.

Una, ibang bansa, kaya siguradong may ibang katangian: ng mga tao, mga grupong lumalaban, prinsipyo ng mga grupong ito kung mayroon mang pagkakaiba sa Iraq, at kalupaan.

Tulad sa Iraq, iba’t ibang grupo ang matatagpuan doon. Hindi ko lang alam kung ano ang kasaysayan ng mga ito at relasyon sa isa’t isa. Ang alam ko lang, binabagabag din ang bansa ng mga tribal war, na tumawid na rin sa kalapit na bansang Pakistan.

Isang magagamit na bentahe dito ng US, ang ituturo nilang kalaban ngayon ay ang Al Qaida mismo, ang itinuturo nilang may pakana sa 9/11, na kinakalinga ng Taliban. Kaya maaari pa nilang matipon sa kanilang panawagan ang kanilang mamamayan. Hindi ko lang sigurado kung may mabibilog pa silang ulo. Mataas pa rin ang popularidad ni Obama, bagamat mabilis itong naglalaho ngayon dahil sa hindi mahusay na paggamit ng bailout money na ibinuhos nito sa naluging mga dambuhalang kumpanya, pera na kinuha nila sa bulsa ng mga ordinaryong tao. Ang problema lang, nadala ang mamamayan ng US at ng daigdig sa malaking kasinungalingan ginamit ng gubyernong Bush noon para kaladkarin ang US sa Iraq, na pinagbayaran nila ng malaki, kapwa sa buhay at pera sa literal. Kaya simula palang ngayon, may duda na ang mga tao kung tama pa rin ba ang ginagawa nila sa Afghanistan.

Pinuna noon si Bush dahil sa pagbubuhos ng halos 90% ng tropa sa Middle East sa pagtugis sa isang tao na wala namang kinalaman sa 9/11 habang 10% lamang sa pagtugis sa mismong grupong itinuturo nilang salarin. Lumala pa ito nang malamang hindi totoo na nagtatago ng WMD ang Iraq, bagay na ginamit na dahilan ni Bush para pasukin ang Iraq. Tingnan na lang natin ang kung magamit ito ni Obamang sapat na dahilan para mabawi ang suporta ng mga tao para sa kanyang gera.

Isa pang dagdag sa Afghanistan, naitayo na doon ang lokal na gubyerno, kaya nga makakatuloy na kaagad sa pagsasanay sa mga lokal na tropa ang US at hindi na kailangang balikatin mismo ang pagsugpo sa mga nagtatanggol na mamamayang Afghan sa loob ng mahabang taon. Dahil dito, makakatipid sila kapwa sa lakas tauhan na kailangan at gastusin para tustusan ito. Ang problema, batbat ng korapsyon ang gubyernong nakatayo dito, gubyernong sila ang nagtayo. Nakakatawa, noong 1970, itinatag nila ang Taliban, na kalaban nila ngayon. Matapos patalsikin sa pwesto ang Taliban, grabe naman ang lala ng korapsyon. Parehong-pareho ang nangyari dito sa Pilipinas, matapos silang magtayo ng lokal na gubyerno, batbat din ng korapsyon at pagkatuta sa interes ng mga dayuhan.

Bukod sa mga ito, dagdag ang bentahe nila sa abanteng mga kagamitan at armas (na matagal naman nang napatunayang walang bisa), maihahanay na ang iba pa sa disbentahe ng US. Isang malaking pagkakaiba na lang ay ang kalupaan. Halos parehas lang ang kalupaan sa Afghanistan at Iraq, paborable sa gerilyang pakikibaka ng mga mamamayan sa parehong bansa laban sa mas superyor na pwersa ng US.

Ang dagdag pa sa Afghanistan, mayroon itong napakalawak na likuran, na naatrasan nito at nagamit para makapagpalakas. Kahati nito sa mahabang boundary ang bansang Pakistan, at dito sa mga hangganang ito nakapagkuta ang mga rebelde. Sa katunayan, sa Swat Valley sa Pakistan, nakapagtatag na ng sariling gubyerno doon ang Taliban.

At walang pwersang dayuhan sa Pakistan. Solo itong hinaharap ng gubyernong Pakistani, bagay na malaking epekto sa kabuuang estratehiya ng US.

Sa politika, isa ring napakalaking hadlang ang pagbibigay ng katwiran sa gera ng US sa Afghanistan. Narinig ko na naman ang mga retorika ng administrasyong Bush, na ngayo’y nagmumula na sa kauna-unahang negrong presidente ng US. May mga terorista, mga kampon ng demonyo na balak maghasik ng lagim sa buong mundo! Patayin sila habang maaga pa, bago pa man sila magsimula, bago pa man sila may gawing krimen! Sugurin ang Afghanistan, kunin ang mga oilfield nila!

Pero ang pinakamalaking kahinaan ng US ngayon ay ang matinding krisis nito sa ekonomya. Sa loob mismo ng bansa nila ay may malaking gera silang kinakaharap, paano pa nila matutugunan ang isang gera sa kabilang dulo ng  mundo? At para makapaglunsad ng gera doon, kakain ito ng malaking pondo, pondong kailangang-kailangan ngayon ng mamamayan ng US para makaraos man lang sa kinasadlakan nila ngayon. Kung sa Iraq noon ay inulan ng protesta si Bush dahil sa pag-aaksaya ng pera ng US, ngayon pa kaya, kahit ano pang sabihin ni Obama na hindi kasinggastos ang Afghanistan?

Obama/Bush

images1

images-bush

Kaya inakala kong si Bush ang nagsasalita kagabi ay dahil ginagamit niya rin ang parehong retorikang ginamit noon ni Bush para bigyang-katwiran ang di makatwirang gerang inilulunsad niya: may isang teroristang grupo na banta sa Afghanistan, sa US, at samakatwid, sa buong daigdig. Kaya kailangang sugpuin. At dahil buong mundo ang binabantaan umano nito, at para may makahati sa gastos, kailangang lahat ng bansa tumulong sa paglaban dito. Matapos nitong onsehin ang mga nauto nitong sumama sa kanila sa Iraq, sino pa kaya ang mauuto nito ngayon (maliban syempre sa mga gubyernong sadyang utu-uto tulad ni Gloria)?

Sa matinding krisis na kinakaharap ng US at ng daigdig ngayon, ngayon pa lang hindi na maliwanag ang kinabukasan ni Obama sa Afghanistan. Kung napahiya sila noon sa Iraq, magiging mas malaking kumunoy ang Afghanistan para sa tropa ng US.Nabigo sila sa Iraq, lalo silang mabibigo sa Afghanistan.

Pahabol

Ang Middle East ang itinuring nilang unang larangan ng “gera ng terorismo,” pangunahin ang Iraq. Natalo sila sa Iraq kaya lumilipat sila ngayonsa pangalawang prayoridad, ang Afghanistan. Maghanda na tayo, dahil kung mabigo ulit sila doon, baka umatras naman sila sa sekundaryong larangan ng “gera ng terorismo,” dito iyon sa Pilipinas. Nandito na sila ngayon (kailan ba sila nawala?), nakahanda na sa anumang posibilidad….


Responses

  1. SANA MAGTULUNGAN TAYO

  2. para malaman kung ano ngayon ang kondesyon ng mga mamamayan sa iraq

    • hindi na rin ako gaano updated. pero tuloy pa rin ang gera doon, sa kabila ng sinabi ni Obama na pull-out ng mga tropa nila. para lang “Deamericanization” ito noon sa Byetnam. ipinapasa sa lokal na otoridad ang tungkulin ng peace and order, pero sila pa rin ang nasa kumand.


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

%d bloggers like this: