Ipinaskil ni: diwa81 | Disyembre 22, 2009

Nagdesisyon ang SC pabor sa petisyon ni Cong. Mong Palatinon ng Kabataan party-list kaugnay ng pagpapalawig sa rehistrasyon ng mga botante. Sinunod nga ito ng COMELEC, pero nawalan din ng saysay dahil ayon kay Melo, hindi rin naman sila mag-iimprenta ng dagdag na balota.

Ayon sa COMELEC, katumbas pa rin ng bilang ng mga nagparehistro noong una ang iiimprenta nilang balota at hindi na isasama ang mga dagdag na magpaparehistro ngayon.

Una na, sinunod nga nila ang utos ng SC, pero kulang pa rin. Imbes kasi na hanggang Enero 9 ang rehistrasyon, batay sa isinasaad ng utos ng SC at sa batas kaugnayn ng eleksyon mismo, hanggang Disyembre 29 lang isasagawa ng COMELEC ang rehistrasyon.

Tapos ngayon, nagparehistro nga sila, hindi naman madadagdag ng balota para sa mga magpaparehistro ngayon. Ang lohika dito ng COMELEC, mahuhuli na raw ang pag-imprenta ng mga balota kungn isasama pa ang mga magpaparehistro ngayon. Isa pa, hindi naman nila inaasahan umano na 100 porsyento ng mga unang nagparehistro ang talagang boboto. Hindi ba katumbas na rin ito ng disenfranchisement o pagkakait sa mga lehitimong botante ng karapatang makaboto. Ang alam kong trabaho ng COMELEC ay ang tiyakin ang maayos na eleksyon, o kahit eleksyon man lang dahil sa ganitong sistema, halos imposible na ang magkaroon ng maayos na eleksyon. At hindi nila trabaho ang manghula kung ilan ang aktwal na boboto. Kaya trabaho nila na tiyaking makakaboto ang lahat ng nakarehistrong bumoto.

Noong una pa lang, nahuli nang patulug-tulog sa pansitan ang COMELEC noong unang rehistrasyon. Sinisisi nila ang mga nagparehistro dahil dumagsa ang karamihan noong malapit nang matapos ang panahon ng rehistrasyon. Kung hindi ba naman sila gunggong. Kapag nagtakda ka ng panahon kung kailan pwedeng magparehistro, kahit pa sa pinakahuling oras o minuto dumating ang isang tao para magparehistro, ganap ang karapatan niya na magparehistro. Kaya dapat tinitiyak ng COMELEC na handa ito sa anumang pangyayari, tulad na ng pagdagsa ng mga magpaparehistro sa huling araw. Hindi iyong sila pa ang magrereklamo, kesyo hinihintay pa kasi ang huling araw ng pagpaparehistro. Sa hirap ng buhay ng mga Pilipino, hindi ang eleksyon ang pangunahing pinagkakaabalahan ng mga tao; sa katunayan, malayo sa isip nila ang bagay na ito. Dahil ang pangunahin pa nilang iniisip ay ang makakain nila kinabukasan, o kung may trabaho pa sila bukas, o kung magkakatrabaho na ba sila bukas. Kaya hindi dapat nagrereklamo ang mga komisyuner ng COMELEC. Hindi sila tulad ng mga mahihirap na walang problema at malaki ang KOMISYON nila ngayon.

Isa pa, walang karapatan ang COMELEC na magreklamo na baka mahuli ang mga balota. Samantalang ang mga makina mismo na gagamitin sa eleksyon, ilang BUWAN nang huli. Imbes na ang mga botante ang sinisisi ng COMELEC, dapat pagtuunan nila ng pansin ang kumpanya na dapat sanang nakapagsuplay na ng mga makinang gagamitin sa eleksyon.

Parang sila na rin ang nag-iimbita ng kapahamakan at pagpalya ng eleksyong 2010. Kapag nagkataon na nagkulang ang mga balota, tiyak na magkakagulo na naman ang mga tao. At kapag nagkagulo, alam na kung ano ang susunod.

Samantala, isa pa itong si Norberto Gozales. Hindi ko ba alam, mukhang may sira na rin ito sa tuktok. Nagpanukala na naman na gamitin na rin ang AFP na security escort sa darating na eleksyon. Ngayon nga lang, nagagamit na ang AFP ng ilang politiko para sa kanilang pangangampanya, paano pa kaya pag binigyan na ito ng awtorisasyon? Sino pa ba ang maniniwala na hindi gagamitin ng administrasyon ang AFP para sa eleksyon? Kahit naman noong 2004 at 2007, aktibong nagamit ang AFP para sa kandidatura ni Gloria at mga alipores niya, lalo na ang mga anak niya. Kapag binigyan pa ng mandato ang AFP na magamit ng mga politiko sa kampanya, wala na. sabagay, parang inalis lang nila ang maskara nila kapag nagkaganoon. Dati naman na kasi nilang ginagawa iyon…

Ipinaskil ni: diwa81 | Disyembre 22, 2009

Copenhagen Conference

Nakatakda, sa simula pa man, na mabigo ang pag-uusap ng mahigit sandaang bansa sa Copenhagen hinggil sa climate change. Tunay nga, walang maaasahang makabuluhang solusyon mula sa inilalako ng mga industriyalisadong bansa, sa pangunguna ng US, para sa problema sa kalikasan. Iyon ay, hangga’t hindi nauugat ang problema.
Paano ba malulutas ng mga bansa ang problema ng pagkasira ng kalikasan kung manggagaling ito sa bansa na pangunahin at pinakamalaking sumisira sa kalikasan sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Meron mang ihapag ang US, siguradong mumo lang ito, at pagpapakitang-tao lamang. Kahit nga pangangako lang ng pera para sa mga proyektong tinalakay ng UN sa Copenhagen, hindi pa nito magawa. Samantalang, ang US pa, sa pamamagitan ng midya nito, ang pinakamaingay kaugnay ng climate change.
Dito makikita ang kawastuan ng napapanahong sulatin na inilabas ni Joma Sison na pinamagatang, “End Monopoly Capitalism to Arrest Climate Change.” Lumalabas na hindi lamang hindi gustong lutasin ng mga imperyalistang bansa, laluna ng US, ang isyu ng climate change, kundi pinagkakakitaan pa ito sa pamamagitan ng pag-uunahan sa teknolohiya at produkto na “eco-friendly” umano. Pagdating sa responsibilidad sa kalikasan, ipinapasa ng mga ito ang gawain “sa lahat,” pero pangunahin sa mahihirap na bansa.
Sa produksyon ng pangangailangan ng tao, natural lang na ginagamit ng tao ang kalikasan para pagkuhaan ng mga hilaw na materyales. At sa proseso, bahagi nito ang nasisira. Halimbawa, ang pagputol ng kahoy para makakuha ng troso; ang pagmina ng bundok para sa mahahalagang metal; kahit ang paglitaw ng mga pabrika para higit na mapabilis at mapadali ang produksyon. Pero ayon kay Joma, ang walang habas na paghahabol ng mga monopolyo kapitalista para sa supertubo, ang napakalaking nakasira sa kalikasan.
Halimbawa na lang dito sa Pilipinas. Kalakhan ng malalaking kumpanya sa minahan ay pag-aari ng dayuhan. At ang karaniwang operasyon ay ang tinatawag na open pit mining. Dahil dito, buu-buong bundok ang nasisira, o literal na napapatag. Hindi maayos ang pasilidad sa paghawak ng mga tailings o mga nakakalasong kemikal na by-product pagmimina at hindi lang minsan nangyari ang pagtagas ng mga ito sa ilog na pinagkukunan ng tubig ng maraming komunidad. Kalimitan, kapag namina na ang halos lahat ng potensyal ng isang lugar, o dahil biglang bumaba ang halaga ng produkto, basta na lang itong hinahayaan at hindi na nagagawa ang wastong paglilinis ng mga kemikal. At napakarami pang ibang pinsala ang dinudulot ng operasyon ng malalaking minahan dito sa bansa. At iyon ay dahil ito ang pinakamurang paraan ng pagmimina; at sa mas mababang gastos sa operasyon, makakahuthot sila ng mas malaking tubo.
Ito rin ang malaking dahilan kung bakit ayaw kilalanin ng US ang Kyoto Protocol kaugnay ng pagbabawas ng greenhouse gasses (GHG), dahil mangangahulugan iyon ng paggastos pa para sa teknolohiya para makamit iyon. At sa monopolyo kapitalista, ang kapital na hindi naman magluluwal ng tubo ay malaking kalugian na para sa kanila. Kaya nga may kuntsabahan ang gubyerno at mga kapitalista. Ipapaubaya sa gubyerno ang pagpondo sa pananaliksik ng makabagong teknolohiya, at kapag lubos na itong napahusay, saka ipapasa sa mga pribadong korporasyon para pagtubuan.
Hindi kataka-taka ang naging pusisyon ni Obama sa kumperensya, na ikinadismaya ng marami. Napatunayan nang magaling lang magsalita si Obama, kahit noong kampanya man lang niya para sa pagkapangulo ng US. Pero ngayong siya na ang pangulo ng US, hindi rin siya nakalibre sa dikta sa kanya ng mga naghaharing uri sa US. Napilitan din siyang ipagpatuloy ang mga patakaran ng mga nauna sa kanyang administrasyon.
Kung walang dapat ipagmalaki si Obama na nakamit niya, lalo namang walang karapatan si Arroyo na magmalaki. Ang tanging naipagmalaki ni Gloria sa pagdalo niya sa kumperensya, na dahilan kung bakit hindi siya dumalo sa magkasanib na sesyon ng Kongreso at nagpaliwanag kaugnay ng Martial Law, ay ang mga pangakong ayuda mula sa mga internasyunal na institusyon sa pinansya. Tandaan, PANGAKO lang. Kaya kahit iyong pasalubong niya umano, nakasulat lang sa papel.
Pero kaugnay ng solusyon sa isyu ng kalikasan, walang anumang makabuluhan ang nakamit sa kumperensya, sa pangunguna ng malalaking bansa. Paano nga naman sila makakarating sa anumang solusyon? Dahil ang tanging solusyon lang naman ay ang binabanggit ni Joma, ang pagwawakas ng monopolyo kapitalismo. Para sa kanila, ang ibig sabihin nito ay ang pagwawakas ng kanilang paghahari at dominasyon sa ekonomya, o sa madaling sabi, pagpapatiwakal nila. Natural lang na hindi natin maaasahang gagawin nila ito. Ultimong sentimo lang, ipakikipagpatayan pa ng mga ganid na kapitalistang ito. Paano pa kaya kung ang paghahari na nila ang pinag-uusapan? Ang mga mamamayan ng daigdig ang kailangang gumawa nito. At matapos lamang niyon, saka tayo makakapag-usap tungkol sa, at tunay na malulutas ang climate change.

Ipinaskil ni: diwa81 | Disyembre 18, 2009

Congress Joint Session

Senate: Martial law illegal.
Malacañang: Mahuli may tae sa pwet!

Sabi ko na nga ba, sa bagal kumilos ng Kongreso kaugnay ng Martial Law, inalis na ito ni Gloria bago pa man sila nakapagbotohan pabor o kontra sa PP 1959. Noong una pa man, nagdududa na ang marami na baka maging moot and academic na ang desisyon ng Kongreso dahil lampas na sa 48 oras na palugit. Ngayon talagang moot and academic na nga, dahil lampas na … nakalampas na ang Martial Law mismo!
Ano nga kaya ang nangyari, bakit tinanggal na ang Martial Law bago pa makapagbotohan ang Kongreso? Sa tingin ko, nahirapan ang mga Kongresista na bumoto pabor dito. Totoo na malakas ang impluwensya ng Malacañang sa karamihan ng Kongresista, pero malapit na ang eleksyon. Sino ba naman ang gustong gumawa ng desisyon na tiyak na ikakagalit ng mga botante nila at siguradong maaalala pa hanggang sa araw ng eleksyon na ilang buwan na lang ang hinihintay? Malakas man ang impluwensya noon, may sariling karerang pinoproblema ang bawat isa sa maraming kongresista ngayon.
Kung hindi boboto nang pabor ang Kongreso, lalo namang hindi mapapayagan ng Malacañang na supalpalin ito ng lehislatura. Kaya ang solusyon, bawiin na ang deklarasyon bago pa lumabas ang boto.
Pero sa pagbawi, buo pa rin ang loob ni Gloria na pangatwiranan ang ginawa niyang paglalaro ng kapangyarihan. Umaksyon umano siya noong panahon na puro salita lang ang ginawa ng iba. Ang problema, ibang aksyon naman ang ginawa, habang napakasimple lang naman ng kailangang gawin: hulihin ang mga salarin. Tinahak niya umano ang landas na kinatatakutan ng ibang tahakin. Ang totoo, marami ring may gusto na gawin ang ginawa niya. Iyong mga naunang presidente sa kanya, matagal na balak din nila iyon. Maliban lamang kay Cory, na ilang ulit na hinimok na magpataw ng Martial Law bilang tugon sa ilang ulit na kudeta laban sa rehimen niya, pero hindi niya sinunod. Hindi sa takot ang mga nauna, kundi si Gloria lang ang nagkaroon ng ganoon kakapal na mukha para magawa iyon sa kabila ng labis na pagkamuhi ng sambayanan sa kanya.
Hindi masisisi ang ilan na pumabor sa deklarasyon. Marami daw sa mga taga-Maguindanao ang pabor. Pero ayon lang ito kay Vice Mayor Esmael Mangudadatu, at taliwas sa mga naunang ulat na marami ang lumikas para makaiwas sa gulo. Maiintindihan pa si Mangudadatu kung bakit pabor siya. Natural naman, siya ang pangunahing kalaban ng mga Ampatuan na napakalaki ng private army. Kapag nabuwag iyon, at nakontrol ang mga Ampatuan, siya ang kagyat na makikinabang. Pero ang punto dito, hindi naman kailangan ng Martial Law para mabuwag ang hukbo ni Ampatuan. At lalong hindi kailangan ng Martial Law para makamit ang hustisya sa pagkamatay ng 57 katao. Sa kabaliktaran, nakasama pa nga ang deklarasyon sa kasong isinusulong laban sa mga Ampatuan.

Ipinaskil ni: diwa81 | Disyembre 12, 2009

AFP for Martial Law

Sa harap ng may 2,000 CVO na private army ng mga Ampatuan, ano nga ba naman ang magagawa ng kaawa-awang mahigit 200,000 sundalo ng AFP?
Ito ang ipinagtataka ko sa AFP. Lagi nilang ipinagmamalaki na mga PROPESYUNAL na sundalo sila na may mataas na kalidad ng treyning at sinisikap na imodenisang kagamitan at armas (sa pamamgitan ni Uncle Sam). Mayroon silang tatlong pangunahing sangay: ang Army, Navy at Air Force; maraming tangke, bapor at eroplano. Pero laban sa ilang libong CVO ng mga Ampatuan sa Maguindanao, natatakot sila at kailangan pa nila ng Martial Law para malipol ang mga kalaban?
Laging ipinagmamalaki na madudurog na nila ang pinagsama-samang NPA, MILF, MNLF at Abu Sayyaf. Kahit pa sabihing naaarmasan ng ilang malalakas na kalibre ng baril at mortar, at ilang armored vehicle, ano naman ang panama ng mga sibilyan, na malamang karamihan ay magsasaka, na nagboluntaryo lamang.
Nag-iimbento ng sariling multo ang AFP sa pagsasabi na naghahanda na ang mga CVO na tapat sa mga Ampatuan para mag-aklas laban sa gubyerno (na “PAWANG NASA OPENSIBONG PUSISYON”) para magsilbing batayan ng pagpapataw ng Batas Militar sa Maguindanao. Malinaw naman na ginagamit lang ang deklarasyon para mapagtakpan ang pananagutan ng Malacañang sa bayan, pero hindi kaya tumatagos sa makakapal na balat ng mga heneral ng AFP na nagmumuka na silang tanga dito.
Kahapon, nagkaroon pa raw ng ambus sa kanilang convoy, PERO WALANG TINAMAAN!
Pagkatapos nilang armasan, kinatatakutan na nila ngayon ang mga Ampatuan. Kundi ba naman sila tinamaan ng lintik…

Ipinaskil ni: diwa81 | Disyembre 12, 2009

House of Sarsuela

11 Disyembre 2009
Hindi ko alam kung may kulang talaga sa isinasaad sa Konstitusyong 1987 o talagang pakana o katangahan ito ng Kongreso sa pangunguna ng mga alagad ni Gloria sa Kamara.
Parang nawalan na ng silbi ang kapangyarihang check and balance ng Kongreso laban sa kapangyarihan ng Malacañang na magpataw ng batas militar. Ayon sa konstitusyon, kailangang maglabas ng resolusyon ang dalawang Kapulungan ng Kongreso sakaling magpataw ng Batas Militar ang pangulo sa loob ng 48 oras. Sampung araw, matapos ipaabot sa Kongreso ang ulat ng pangulo kaugnay ng Deklarasyong 1959, na nagpataw ng Batas Militar sa ilang bahagi ng Maguindanao, hindi pa rin tapos ang sarswela sa Kongreso.
Dahil dito, dapat sampahan ng impeachment case si Speaker Nograles dahil sa hindi pagtupad sa tungkulin nila sa Konstitusyon na ipatawag kaagad ang magkasanib na sesyon ng Kongreso. Ayon sa kanya, hindi na kailangang ipatawag ito dahil halos lahat naman umano ng Kongresista ay pabor sa deklarasyon. Para sa kanya, mas matimbang ang suhetibong pagtingin niya sa suhetibong kagustuhan ng mga Kongresista kaysa ang tungkulin nila bilang Mababang Kapulungan na nakasaad sa Konstitusyon. Saka na lamang niya ipinatawag ang pulong nang mapuna na siya.
Pero hindi pa dito natapos ang problema, ipinatawag nga ang magkasanib na sesyon, PERO WALANG RULES kung paano gagawin ang sesyon!
At ngayon nga, matapos ang maagang pag-init ng talakayan, patuloy pa ang deliberasyon, na ayon sa mga “kagalang-galang” na mambabatas ay tatagal nang apat na araw. Pero dahil darating na ang Sabado at Linggo, sa Lunes na ulit ang sesyon o 14 Disyembre. Baka naman pagkatapos nilang magdeliberasyon ay bawiin na ng Malacañang ang deklarasyon kung sakaling hind maging pabor sa kanila ang desisyon ng Kongreso?
Pero habang nagsasarswela sa Kongreso, kasalukuyan na ang paghahari ng militar sa Maguindanao. Paano kung sa buong bansa na ipinataw ang Batas Militar? Kung ganito sila kabagal kumilos, tiyak na mabubuwag na ang Kongreso bago pa man sila makapagpulong.
Hindi naman ibig sabihin na dapat madaliin ito. Pero kailangan bang maging ganito kabagal?
Sa kasalukuyang komposisyon ng Kamara na dominado ng mga alipures ni Gloria, sigurado na ang magiging desisyon. Parang Impeachement case lang ito laban kay Gloria. Pero naniniwala ako na wala pa ring lusot dito ang Malacañang. Sakaling mabigyan ng basbas ng Kongreso ang deklarasyon, may malaking problema pa rin ang mga Arroyo na dapat sagutin. Tinatawag ngayong rebeldeng grupo ang mga Ampatuan na may kasong rebelyon ngayon; at sila ang nag-armas dito!
Maalala ko lang pala, ano na ang nangyari sa Human Security Act ni Gloria, o ang anti-terror law niya? Kapag kaharap ang mga aktibista na nagsisigawan sa tarangkahan ng Palasyo nila, tinatawag na TERORISTA. Isipin niyo naman, puu-puo o daan-daang aktibista na may bitbit na mga plakard at sumisigaw, NAKAKAKILABOT! Dapat supilin kaagad. Pero sa harap ng mga Ampatuan na pumatay ng 57 katao…

Ipinaskil ni: diwa81 | Disyembre 9, 2009

REBELYON

Hindi na talaga matapus-tapos ang kagaguhan ng gubyerno ni Arroyo. Malinaw na ang pinatutunguhan ng kaso ng Maguindanao Massacre.
Matapos ideklara ang Batas Militar sa Maguindanao, isang malaking puna sa ginawang hakbang ay ang kwestyon ng pagkakaroon ng rebelyon sa bahaging iyon para maging batayan ng Batas Militar. Akala ko talagang mga tanga lang ang mga tagapayo ng Malacañang, pero lumalabas na tuso talaga sila. Ang mistulang pagkakamali ay mukhang isang kalkuladong hakbang. Matapos kyestunin dito, idineklara rin nila ang grupo ng mga Ampatuan bilang isang rebeldeng grupo; sa gayon, may rebelyon.
Sa tingin ko, hindi ang ito simpleng palusot para magpataw ng Batas Militar, kundi ito talaga ang kompromiso sa pagitan ng mga Arroyo at Amapatuan (liban syempre sa layunin ng Batas Militar na protektahan ang gubyerno at AFP sa pagkakatuklas ng sandamukal na armas ng mga Ampatuan). Kailangang protektahan ang mga Ampatuan dahil marami itong nalalaman sa naging dayaan sa eleksyon ng 2004 at 2007. At napaulat na dito nagtago noon si Garci nang tinutugis na siya ng buong bayan.
Sa biglang tingin, parang matapang na salita mula sa gubyerno. Malakas ang kasong rebelyon, ika nga ng acting Secretary Devanadera (kasama kaya ito sa “acting” niya?). Pero ano man ang kalabasan ng kasong rebelyon, lalabas na panalo ang mga Ampatuan o tiyak na hindi makakamit ng mga biktima ang hustisya.
Una, sa kabila ng pahayag ng DOJ, batay sa maraming kaso ng rebelyon, mahirap mapatunayan ang kasong ito sa korte. Halimbawa na lang ang mga kasong isinasampa sa mga nahuhuling myembro ng CPP/NPA. Kahit na nga mga matataas na lider umano ng grupo, laging napapawalang sala sa korte. Kung mortal na kalaban ng gubyerno hindi nila maidiin sa kaso ng rebelyon, paano pa ang isang kaalyado ng gubyerno?
Pangalawa, kahit mahatulang may-sala ang mga Ampatuan sa kasong rebelyon, dahil sa mismong kalikasan ng kaso, maaari na silang humingi ng amnestiya sa gubyerno. Kung ganito ang mangyayari, mabubura lang ang lahat ng 57 kaso ng pagpatay, ng karumal-dumal na pagpatay, at maaari pa silang makakuha ng kompensasyon mula sa gubyerno bilang bahagi ng amnestiya!

Pero hindi pa ito ang pangunahing usapin ngayon. Ang pangunahing usapin ay hindi rebelyon ang kasong ito; malayung-malayo sa pagiging rebelyon. Batay sa pagkakaintindi ko sa rebelyon, nagkakaroon ng pag-aaklas ang isang grupo laban sa gubyerno para agawin ang kapangyarihan o kaya’y pagkaitan ang sangay ehekutibo sa kapangyarihan nito. Kung titingnan ang kaso ng mga Ampatuan, hindi lang sa Maguindanao Massacre kundi sa buong paghahari-harian nila sa lalawigan, nasaan ang rebelyon dito? Bagamat pulitika ang nasa likod ng nakakakilabot na pagpatay sa 57 katao, hindi pa rin ito maituturing na rebelyon. Ginawa ang krimen hindi para agawin ang kapangyarihan ng o ibagsak ang gubyerno. Hindi ginawa ang krimen laban sa gubyerno, kundi para makapanatili sa gubyerno, para protektahan ang paghahari ng mga Ampatuan sa gubyerno ng lalawigan ng Maguindanao. At hindi ito ginawa para ihiwalay ang Maguindanao sa Pilipinas, tulad halimbawa ng isinusulong ng MILF. Sa kabaliktaran, ginawa ito sa kabila ng pagiging kaalyado ng Malacañang o ng pambansang gubyerno.

Kahit pa sakyan ang pakulo ng rehimeng Arroyo na rebelyon ang kaso, sa gitna ng isang digmaan, meron pa ring tinatawag na krimen laban sa sangkatauhan. Ang karumal-dumal na pagpatay sa mga sibilyan, na marami ang kababaihan, kabilang ang mga kagawad ng midya, ay isang malinaw na halimbawa ng krimen laban sa sangkatauhan. At pinakamahalaga, kung rebeldeng grupo nga ang mga Ampatuan at isang rebelyon ang isinusulong nila, dapat ding hulihin si Gloria at ang administrasyon nito. Dahil matapos ang malagim na krimen at nalantad ang paghaharing ito ng mga Ampatuan na tinatawag ng gubyerno bilang rebelyon, malinaw na ipinahayag ng rehimen, sa pamamagitan ng isa sa tagapagsalita ng pangulo na si Lorelie Fajardo, na nananatiling kaibigan ng mga Arroyo ang mga Ampatuan (o baka naman lorelying na naman siya?). Nang pinupuna ang rehimen na prinoprotektahan ang mga Ampatuan, sumagot sila na hindi ito totoo dahil kaalyado ng administrasyon kapwa ang mga Ampatuan at Mangudadatu. Umamin si Jovito Palparan mismo na inarmasan ang mga Ampatuan para itaboy ang MILF sa Maguindanao.

Hindi rebelyon ang ginawa ng mga Ampatuan. Kahit gaano karami ang pinatay nila at gaano man kalagim ang pangyayari, isa pa rin itong komun na krimen. Hindi rebellious ang ginawang krimen. Ang rebellious ay ang ginagawa ng gubyerno. Dahil sa kagaguhan nila, dahil sa patuloy na pakikipagkompromiso nila sa mga Ampatuan sa kapinsalaan ng mga biktima at pamilya nila, at ng buong sambayanang Pilipino, para na rin nilang itinutulak ang mamamayan na mag-aklas laban sa bulok na gubyernong ito, laban sa gubyernong ito na kumakalinga sa mga pinakamalalaking kriminal sa bansa, laban sa gubyernong ito na siya ring pinakamalaking kriminal sa bansa!

Narito ang ilang bahagi ng proklamasyon ng Pangulo na nagpataw ng Batas Militar sa ilang bahagi ng Maguindanao:

WHEREAS, Section 18, Art. VII of the Constitution provides that “xxx In Case of INVASION or REBELLION, when the public safety requires it, (the President) , may, fot a period not exceeding sixty days, suspend the privilege of writ of habeas corpus or place the Philippines or any part thereof under martial law.xxx”

WHEREAS, R.A. No. 6968 provides that the crime of rebellion or insurrection “is commited by rising publicly and taking arms AGAINST THE GOVERNMENT for the purpose of xxx depriving the Chief Executive or the Legislature, wholly or partially, of any of their powers or prereogatives.”

WHEREAS, heavily armed groups in the province of Maguindano have established positions to RESIST GOVERNMENT TROOPS, thereby depriving the Executive of its powers and prerogratives to enforce the laws of the land and to maintain public order and safety;

WHEREAS, the condition of peace and order in the province of Maguindanao has deteriorated to the extent that the judicial system and other government mechanisms in the province are not functioning, thus endangering public safety;

Batay sa mga isinasaad na ito ng konstitusyon, ang kongklusyon ng Pangulo:

Indeed, the nature, quantity and quality of their weaponry, the movement of heavily armed REBELS in strategic positions, the closure of the Maguindanao Provincial Capitol, Ampatuan Municipal Hall, Datu Unsay Municipal Hall, and fourteen other municipal halls, and the use of armored vehicles, tanks and patrol cars with unauthorized “PNP/POLICE” markings, all together CONFIRM THE EXISTENCE OF ARMED PUBLIC UPRISING for the political purpose of:

(i) REMOVING ALLEGIANCE FROM THE NATIONAL GOVERNMENT of the Province of Maguindanao; and,

(ii) Depriving the Chief Executive of her powers and prerogetives to enforce the laws of the land and to maintain public order and safety.

Ilang kakatwang bagay lang:

Napakalinaw na isinaad sa deklarasyon na hindi kasama ang mga teritoryo ng MILF, isang grupo na napakalinaw na nagsusulong ng paghihiwalay ng ilang bahagi ng Mindanao mula sa Pilipinas at pagtatatag ng isang hiwalay na estado. Habang ipinataw ang batas militar sa nalalabing teritoryo ng Maguindanao na hawak ng mga Ampatuan na ginagamit ng gubyerno para laban ang mga separatistang Muslim na ito.

Kung iisipin pala, kung may hostage taking, halimbawa, kung saan hindi maipatupad ang batas, napagkakaitan nang bahagya ang pangulo ng kapangyarihan nito, pwede nang magpataw ng batas militar?

Ipinaskil ni: diwa81 | Disyembre 9, 2009

On Human Rigths Conditions in the Philippines

Nothing describes better the human rights condition in the Philippines than the recent events in Maguindanao. In a most shocking incident some 57 people, including women and members of the media, were brutally butchered on a lonely hill in Ampatuan, Maguindanao. Accused of this heinous crime are, coincidentally, the Ampatuans.
Being forewarned that something will happen to Buluan Vice Mayor Esmael Mangudadatu should he run against the Ampatuans, the former decided to let her wife file his certificate of candidacy for him, thinking that no harm would be done to the group. The reporters of different media outfits, seeing the event as a big story, very big indeed, since no one had ever dared to challenge the political clan of Ampatuans until now, that more than 30 went with the group of Mangudadatu.
It is not unknown in these parts of the Philippines that rido or clan wars are common events especially during election season. But the traditional rido usually spared women and children from armed attacks. No one had ever imagined that all that would be thrown down the drain by the Ampatuans.
The Ampatuans were feared in Maguindanao, but the Mangudadatus did not think that the Ampatuans would be that brazen. They were proven wrong. And that mistake claimed the lives of his wife and other relatives, and scores more who were with the group to file the candidacy, even a group of unsuspecting employees of another town in Maguindanao that only caught up with the convoy while on their way to Cotabato. On the morning of 23 November, a dug up hole was already waiting for the convoy to serve as their mass graveyard. Some 100 armed men, presumed to be private army of the Ampatuan, blocked the convoy. And the bloodbath began.
The news shocked the world. The gravity of the crime attracted the attention of everyone to this remote province that the world has not even heard of hitherto.
Culture of Impunity
But what’s more shocking is that this has been going on in the whole Philippines for almost a decade now under the Arroyo regime. With the culture of impunity that has so shrouded the eyes of justice to not see the more than a thousand cases of extrajudicial killings, enforced disappearance, and other forms of political harrasment, who was there to stop the perpetrator of the infamous “Maguindanao Massacre?” If a lowly soldier or gunman hired by the state forces can freely murder activists in broad daylight as they will, what more for a big political clan that is a known ally of the Arroyo administration?
And all these people are guilty of is standing up against corruption and challanging the existing system to enforce changes that are much needed by the Filipino people. Every case of huge malversation of government funds and other corrupt practices of the regime, from the “fertilizer fund scam” upto the aborted but dubious “NBN-ZTE deal,” has been pigeonholed. Those who persisted on pursuing these cases had paid dearly, some even with their own lives.
Pattern of Death
With the death toll now reaching almost a thousand, a clear pattern have emerged. The victim is usually first subjected to black propaganda by the state forces. Openly, he/she is condemned as being a member of the Communist Party of the Philippines and the New People’s Army, usually through state run radio stations. Then the nightmare begins. The victim is either summarily executed, abducted or charged with trumped-up cases. The execution is usually done in a manner that has now become a household phrase, “riding in tandem.”
State of Denial
Numerous evidences have emerged and some witnesses came out despite the grave danger in their own lives. And all fingers are pointing to the state forces; either they are directly involved or incidents suggests that they did not fulfill their duties or even permitted these to happen. There were killings just meters away from military detatchments. The vehicle used, for example, to abduct Jonas Burgos, son of journalist icon Joe Burgos, was traced back to a vehicle that was confiscated by the military.
These are all the facts that various governments and organizations, including the United Nations through the special report of UN Rapporteur Phillip Alston, took into consideration. And they all came into the same conclusion: the state forces and the Arroyo Administration are liable due to “command and responsibility” for all these cases; that the regime has permitted a “culture of impunity” that emboldened the perpetrators; and that the state continues to be in a state of denial for all these incidents. To all these, the regime flatly denies everything to be true!
Instead, they continue to conjure such laughable stories that the killings were done by the CPP/NPA. Whenever hard pressed on the issue, they parry it by pointing the blame on others.
For nine years now, not a single case of political killings and repression had been solved. And the prospects of the victims and their families receiving justice are ever more bleaker, even after 2010 when the term of Arroyo ends (if this happens) as the de-facto president has already filed her certificate of candidacy to run for Congress. The plan is to win a seat in Congress and afford herself with continued immunity from criminal cases and even push through in changing the Constitution and become prime minister.
Recent events following the Maguindanao Massacre indicates that justice will still be no where to be found. The imposition of Martial Law in some parts of Maguindanao does not contribute to the prosecution of the multiple counts of murder; on the contrary, it has even cast a dark shadow over the ongoing investigation. With the discovery of tons of assorted weapons and ammunition, and even armored personnel vehicles, of the Ampatuans, the Department of National Defense and the AFP was put on a bad light because of accusations that they were the ones that supplied those armaments to the Ampatuans. But now with the Martial Law, it seems that moves to investigate this will not prosper anymore. Furthermore, declaring the Ampatuans as a rebel group and their case as rebellion, the government has virtually acquitted them. Since the case is clearly a criminal one, filing rebellion charges would make the case much weaker. Once acquitted of rebellion charges, the gruesome murder of 57 people would also be dismissed.
It’s funny that, against the other enemies of the state, the CPP/NPA and MILF for example, the prosecution panel tries as much as possible to avoid the charges from elevating into rebellion cases. But here, it is no less than the acting Secretary of Justice herself that has conjured the rebellion charges. They themselves have provided the Ampatuans a very convenient escape for the grave crime they have committed. Even if proven guilty fo rebellion charges, the Ampatuans could just easily apply for amnesty, and all their crimes would be automatically erased af if nothing happened.
The massacre of 57 people is not an act of rebellion; it is the action of the Arroyo government that is rebellious!
The “Maguindanao Massacre” should serve as a wake up call for everyone. It has clearly demonstrated the terror that the people live in under the rule of such powerful political dynasties and warlords; and that there will be no justice for all the victims if the rule of these warlords, especially the Arroyo clique, does not end. And we, the people, are the ones to end it.

Ipinaskil ni: diwa81 | Disyembre 5, 2009

Martial Law sa Maguindanao

Huli man daw at magaling,
Huli pa rin!

Diyan magaling ang rehimeng Arroyo, sa pagdedeklara ng Batas Militar. Hindi ko maintindihan kung ano pa ang dahilan para ideklara ito sa Maguindanao. Hawak na ng NBI ang itinuturong pangunahing salarin sa Maguindanao Massacre at bumubuhos na ang mga ebidensya at testimonya para mapalakas ang kaso. Kung makakapagpabilis sana ang Batas Militar sa paglutas sa kaso, wala sanang problema. PERO…
Una, walang batayan para magpataw ng Batas Militar. Batay sa sinipi ng deklarasyon ni Gloria mula sa konstitusyon, may batayan ang Batas Militar kung may nagaganap na rebelyon o dayuhang pananakop. Sa kasong ito, hindi rebelyon ang nangyayari. Ang itinuturong salarin ay ang mga taong nakaupo mismo sa pamahalaang panlalawigan, o ang gubyerno sa Maguindanao. Paano silang maglulunsad ng rebelyon sa sarili nila. Sa kabaliktaran, ginawa ang karumal-dumal na krimen para mapanatili sila sa pwesto sa gubyerno.
Pangalawa, lagi na lang idinadahilan na walang ngipin ang batas pagdating sa ganitong mga kaso. Hindi totoo ito. Napakadami nang aktibista ang pinatay, daan-daan pa ang nawawala; at nagawa ito ng gubyerno sa kabila ng kawalan ng probisyon ng batas tungkol dito o tahasan pa ngang labag sa batas. Sa maliliit na tao, napakadali nilang gawin ito. Pero sa harap ng malalaking tao, huwag nang banggitin pang kaalyado ng administrasyon, biglang nagkukulang ang ngipin ng batas.
Halos 60 tao ang walang awang pinatay; aabot sa libo katao ang lakas ng pribadong hukbo ng mga Ampatuan; mayroong dalawang armored vehicle na may 50mm na masinggan ang bawat isa at isang lumang tangke; nakahukay pa ng katakut-takot na baril at bala, kabilang ang mga 90mm mortar at Recoilless Rifle; tapos kulang pa rin ang ngipin ng batas?
Ang kulang dito, hindi ngipin, kundi kapasyahan, POLITICAL WILL! Imposibe na ngayon lang nalaman ng pambansang gubyerno at iba pang ahensya ang pagkakaroon ng pribadong hukbo sa Maguindanao, o kahit sa ibang bahagi ng bansa, kung hindi pa napatay ang 57 katao. Ang AFP, ipinagtataka ko, nang tinatanong ang isang tagapagsalita nila kung kanino nakapailalim ang mga civilian volunteers sa probinsya, alam naman pala niyang nasa ilalim ng kontrol ng mga Ampatuan ang mga ito. Lagi nilang ipinangangalandakan na non-partisan ang AFP, pero nasa ilalim ng isang political clan ang mga CAFGU nila! Kahit nga pulis, bagamat ibinibigay sa lokal na gubyerno ang karapatang pumili ng mga hepe, hindi pa rin lubos na ibinibigay sa kanila ang kontrol nito. Pero ano ang mayroon sa Maguindanao? Kaya dalawang bagay lang ang posible, alinman sa alam ito ng mga awtoridad pero pinabayaan nila o talagang tanga lang sila.
Sa huling pagsusuri, makikita na pakitang tao na lamang ang deklarasyong ito. Pwedeng para hindi masabing walang ginagawa ang administrasyon. Lumalabas dito ang pagiging reaksyunaryo ng gubyerno; saka lamang kumikilos kung kailan huli na ang lahat. Ang problema, sa kanilang reaksyon, laging ang ordinaryong mamamayan ang kawawa. Hindi ako naniniwala na kahit may Batas Militar na sa Maguindanao ay mapapanagot nila ang mga Ampatuan. Nakita na natin ang pakikitungo ni Gloria sa mga ito.
Gayundin ang binuong komisyon para lansagin umano ang mgapribadong hukbo sa buong bansa. Ngayon lang ba nila nalaman na may mga ganito sa buong bansa? Ang gagaling naman ng intelligence nila, biro mo, natukoy nila na may mga pribadong hukbo sa bansa na dapat lansagin.
Sa panig ng AFP, maaari pang magamit ang Batas Militar para mapagtakpan ang pagkakasangkot ng mga heneral nila. Sino pa ang maglalakas loob ngayon na imbestigahan ang militar kung batas na nila ang umiiral?
************
Apat sa bawat lima ang naniniwala na magiging “halik ni hudas” ang pag-endorso ni Gloria sa sinumang kandidato.
Hindi daw pinapansin ni Gloria ang mga sarbey na ito. Kaya nga ibubuhos na lang daw niya ang panahon niya sa trabaho kaysa samahan si Gibo sa pangangampanya. Kaya pala hindi niya itinaas ang kamay ng pambato ng Lakas-Kampi sa inagurasyon ng mga ito.

Ipinaskil ni: diwa81 | Disyembre 1, 2009

Gloria runs for Congressman

Lumabas na na totoo nga ang hinala ng marami na tatakbong Kongresista si Gloria.

Matagal nang nakita ito ng marami bilang isa sa mga pakana ni Gloria na manatili sa pwesto at makaligtas sa mga krimen niya. Ngayong halos imposible na ang CHA-CHA bago ang eleksyon, dalawa na lang ang natitirang pagpipilian ni Gloria: ang tumakbo nga sa Kongreso at ang magpataw ng Batas Militar.

Pagkaupo sa Kongreso, ang pinakamalamang na gagawin ni Gloria ay ang maupo bilang Speaker, kontrolin ng Kamara, isulong ang CHA-CHA, gawing parlamentaryo ang anyo ng gubyerno, at maging Punong Ministro.

Sa biglang tingin, walang mali sa balak ni Gloria. Wala naman talagang sinasaad ang batas na bawal tumakbo ang kasalukuyang opisyal para sa mas mababang pusisyon. Matagal naman nang ganito ang ginagawa ng mga political clans sa maraming lalawigan.

Pero nariyan ang lahat ng dahilan para mangamba ang sambayanang Pilipino. Nakalatag na ang makinarya ni Gloria. Dalawang bagay ang kailangan niyang makamit para gumana ang plano niya.

Una, kailangan manalo siyang Kongresista. Sa larangan ng lokal na pulitika, madali ito para sa kanya. Kung pagkapangulo nga kaya niya, sa Kamara pa kaya, kahit wala pa si Garci!

Pangalawa, kailangang mapapasunod niya ang sunod na mahahalal na pangulo, kundi man ay kailangang hindi ito humarang sa balak niya. Dito pumapasok ang mahalagang papel ni Gibo.

Pero para magawa ang mga ito, lalo na ang pangalawa, kailangan niyang mandaya. Sa pagkakongresista, hindi gaano dahil madali naman niyang maimpluwensyahan ang mga nasasakupan ng distritong balak niyang pasukin. Bilang pangulo, napakadali sa kanya ang magbuhos ng proyekto dito.

Pero sa pangulo, ibang-iba ang usapin. Dito pumapasok ang iba pang balita ngayon tungkol sa pagpapalit ng liderato ng AFP para masigurado ang ganap na kontrol upang magamit sa eleksyon, katulad noong 2004.

Kailangan itong gawin ni Gloria dahil sa kasalukuyang takbo ng pulitika, halos lahat ng mamamayan ang nananawagan na ng pagbabago. Napakalinaw ng tindig ni Gibo kaya hindi makakaasa ang administrasyon na may pag-asa siya, liban kung may “magic” na mangyayari.

Ito ang dahilan kung bakit dapat mabahala ang mga Pilipino sa balak na ito ni Gloria na tumakbo. Hindi dapat maliitin ito.

Naniniwala ako na ang eleksyong 2010 ay pagpapatuloy pa rin ng pakikibaka laban kay Arroyo. Nagkaroon ng stalemate sa labang ito. Hindi naging sapat ang lakas ng mga pwersang gustong patalsikin ang rehimeng Arroyo, dahil na rin sa kahinaan ng mga malalaking pulitiko na kasama dito. Gayundin, hindi rin nagtagumpay ang rehimen sa balakin nitong baguhin ang konstitusyon at mapalawig ang termino. Kaya pagpapasyahan ang laban sa darating na eleksyon. Dito malalaman kung sino ang mananalo.

Kaya dapat magsikap ang lahat na gamitin ang eleksyong ito para igiit ang panawagan ng sambayanan na patalsikin si Gloria at pagbayarin siya sa mga krimen niya sa bayan. Hindi dapat hayaan na masayang ang halos siyam na taong pagsisikap ng sambayanan na mapanagot ang rehimeng ito sa mga ginawa at hindi ginawa para sa bayan. Kung mananalo si Gloria bilang kongresista, masasayang ang lahat ng paghihirap natin sa loob ng siyam na taon at ang lahat ng buhay na inialay para sa layunin.

Gayundin, hindi lang basta-basta kailangang mapanagot ang mga Arroyo kundi kailangang magawa ito sa lalong madaling panahon. Sa kasalukuyang panahon, mabilis na tumitindi ang kalagayan sa bansa. Lalong mabilis na lumalala ang krisis sa ekonomya na tiyak na magdudulot pa rin ng mainit na sitwasyon sa pulitika. Mabilis na magbabago ang mga sitwasyon matapos ang eleksyon at maraming bagong hamon ang kakailanganing harapin. Kung hindi kaagad na malilitis ang kaso ng mga Arroyo, maaaring magamit nila ang sitwasyong iyon para makatakas sa mga pananagutan nila.
Hindi naman maaari na matapos ang lahat ng pinsalang idinulot nila sa bayan ay pababayaan na lamang matapos ang kanilang termino at pagtutuunan na lamang ang susunod na uupong pangulo. Kung hindi mapapanagot ang rehimeng ito, liliit ang tyansa na makamit ng bayan ang mga repormang kinakailangan para mailagay ang bansa sa landas ng pambansang kaunlaran at baka magpatuloy lang tayo sa pagdausdos.

Sa tingin ko, ang dapat ipanawagan ng mga tao kay Gloria ay huwag siyang tumakbo sa pagkakongresista. Dapat ang takbuhan na lang niya ay pagkaMAYOR, MAYOR ng Bilibid!

Ipinaskil ni: diwa81 | Nobyembre 26, 2009

Maguindanao Update

1. Umaabot na sa 56 ang bangkay na nahukay. Lumilinaw na sa akin ngayon ang totoong plano sa masaker. Lahat ng biktima ay inilibing, kasama ng lahat ng gamit na sasakyan. Noong una, hindi ko maintindihan kung ano ang makukuha ng mga Ampatuan sa pagpatay ng ganoon karaming tao laban sa kanyang karibal sa pulitika. Ang naging sagot, ang tinawag ni Vice Mayor Mangudadatu na piping testigo sa masaker, ang naiwang backhoe at ang malalim na hukay sa pinangyarihan. balak pagtakpan ng mga salarin ang krimen sa pagbabaon sa lahat ng palatandaan ng pangyayari. kung natuloy ang balak nila, kahit anong paghahanap ang gawin ng panig ng biktima, simpleng itatanggi lang nila ang pangyayari dahil wala nang makikitang bangkay. Hindi na natuloy ang kanilang plano dahil inabot na sila ng mga pwersa ng militar.

2. Binaril sa suso, nilaslas ang ari, binaril sa bunganga, pintuol ang mga paa. Ganito inilarawan ni Mangudadatu ang paraan ng pagpatay sa kanyang asawa, kapatid at pamangkin, at sa iba pang kamag-anak niya.

3. Dahil balak ngang pagtakpan ang karumal-dumal na krimen, kaya pati ang lahat ng mamamahayag na kasama ay dinamay. Maging ang isang sasakyan na minalas lang na mapadikit sa kumboy ng mga Mangudadatu ay hindi nakaligtas. Ang limang sakay nito, na empleyado ng munisipyo ng Tacurong, ay pawang pinatay din.

4. Kagabi, ituturing na daw na suspek ang anak ng Ampatuan. Tinutugis na daw sila ng pulisya, pero hinihintay ang boluntaryong pagsuko! Pinaliligiran na ang kapitolyo at bahay ng mga Ampatuan, pero hindi para hulihin kundi para bigyan silang proteksyon!

Ito ang hindi ko maintindihan sa mga pulis. Ang bilis nila ngayong kumilos at magbigay ng proteksyon sa mga Ampatuan dahil baka balikan sila. Pero noong ang Mangudadatu ang humihingi mismo ng proteksyon sa grupo nila, wala daw pakialam doon ang pulisya! Nang lapitan nila ang AFP, hindi daw nila hurisdiksyon iyon, wala daw silang pwersang maibibigay!

 

Buong munod na ang nakaantabay sa kaganapang ito, siguro naman medyo mahihiya na ang gubyerno dito. Sana naman!

Mas Lumang mga Paskil »

Mga Kategoriya